Mayroon kaming proyekto sa kasaysayan na ikwento at alamin kung ano ang nangyari sa araw ng aming kapanganakan. Hindi ko alam kung paano ito naging konektado sa kanyang mga ititnuturo sa klase tungkol kina Bonifacio pero ito ay midterm requirement namin kaya ginawa ko.
Nakakainis gumawa ng ganitong tipo ng mga proyekto dahil ang ganitong klase ng impormasyon ay hindi madaling makuha kahit napaka advance na ng ating teknolohiya ngayon. Napakabulok kasi nang mga online databases ng mga dyaryo sa Pilipinas. Kaya saan ka pupunta para makuha ang ganitong impormasyon? Wala nang iba kundi sa katangi-tangi nating PAMBANSANG AKLATAN.
Ang Pambansang Aklatan ng Pilipinas ay hindi kaaya-ayang puntahan. Bakit? Unang-una, hindi ito madaling puntahan. Napakalayo pa ng lalakarin mo at tatawid ka pa upang makapunta lang dito. Panagalawa, may bayad na nagkakahalagang singkwenta pesos ang ibabayad mo at hindi lang yun, kailangan mo pa ng ID Picture at ID. Ang kapalit nito ay isang “Library Card” na mukhang 3 piso lang ang puhunan upang gawin. At hindi pa sila ang magta-type ng pangalan mo. Oo, Ikaw mismo ang magsusulat ng pangalan mo at magdidikit ng litrato mo! Oh diba? At hindi lang yun, napakasaya pa dahil napakaganda ng pandikit nila. Ang pandikit nila ay elmer’s glue na itinapon sa lalagyan ng paste at ang ipampapahid mo sa litrato mo ay isang stick. Napakasya nito dahil yung tipong isang metro ang layo mo doon sa lalagyan eh amoy mo na yung glue. Ang pangatlong na rason eh sa simpleng dahilan na Aklatan ito. LIBRARY. Learning Resource Center. Pucha, sino ang taong pumupunta sa Library ng Sabado ng umaga? Sino?
Sa kinasamaang-palad, isa ako sa mga taong kailangan pumunta sa Pambansang Aklatan kahapon ng umaga. Malaking problema para sa akin ito dahil hirap talaga ako gumising ng maaga lalo na kapag sabado. Kaya anong, resulta?
Napag-usapan namin na alas-Diyes kami ng umaga pupunta doon. Tumutol ako pero dahil “mabait” ako, pumayag na ako. Kahit na alam ko na mirakulo na maggigising ako ng maaga noon. Ang resulta, alas diyes ako ng umaga nakabangon mula sa kama ko. At dahil inaantok pa ako, ang bagal ko pa kumilos. Kaya 12:30 na ako nakarating sa Pambansang Aklatan. Papunta roon, binaba ako ng FX sa may dulo ng Kalaw st. kaya naglakad pa ako sa gilid ng Luneta. Sa tabi-tabi noon, may mga tindahan at may mga taong palaboy-laboy. Nadaanan ko ang isang babaeng natutulog sa upuan niya at nakatalikod pa sa sidewalk (nakaharap siya sa gate ng Luneta), Luneta Seafarer’s kung saan napakadaming booth na may nakalagay na mga trabaho, Department of Tourism (ngayon ko lang nalaman na may building at office pa pala sila) at isang river na kung saan ang tubing ay nagmula sa Jollibee.
Pagdating ko roon, nalaman ko na kailangan pala magdala ng ID. Nalaman ko lang yun pagdating ko doon. At napakasaya dahil wala akong dalang ID, ni isa. Ayoko kasi dinadala yun dahil nandoon ang pinakapangit kong mukha. Napakabait din ng mga blockmates ko dahil paulit-ulit nilang sinasabi na magdala ng ID Picture at hindi man lang sinabi na kailangan ng ID. At tinira nanaman ako ng kabobohan ko dahil sinong bobo ang hindi magdadala ng Student ID niya sa National Library? Napakabobo. Kaya anong ginawa ko? Umuwi ulit ako. Mahigit isang oras ang biyahe ko nanaman pauwi at mahigit sa 50 pesos ang pamasahe ko. Mura ko ng mura pauwi.
Sa biyahe ko pauwi, nakasabay ko sa dyip ang ate ng kaibigan ko. Natutuwa ako sa mga ganitong pangyayari dahil napakaliit ng probability na mangyari ang ganoong tipo ng bagay pero nangyayari.
Pag-uwi ko, kumain ako ng tanghalian ko, kinuha ang ID ko at umalis. Nakarating ako sa National Library ng 2:30 ng hapon. Nilakad ko nanaman ang gilid ng luneta at nakita ko nanaman ang babae na natutulog kanina. Nagtaka tuloy ako kung buhay pa yun dahil ganun pa rin ang puwesto niya. Pagpasok ko sa National Library dumeretso kaagad ako at pumila sa Cashier. Sa harapan ng pila ko, may dalawang lalaki at isang bakla ang bumibili ng Library card. Ang saya tuloy bigyan ng malisya. Yung bakla, umaangal na wala siyang ID picture at sabi niya, maghahanap daw siya ng picture sa kotse at kung hindi daw siya babalik eh nandun lang daw siya sa tabi-tabi at hihintayin sila. Oh diba ang saya talaga bigyan ng malisya? Sabi pa nung lalaki eh “Di matiis, hihintayin pa talaga kami”.
Pagkatapos ko bumiili ng Library Card eh dumeretso na ako at umakyat sa Third floor upang pumunta sa periodicals section. Pag akyat ko sa third floor sinabi nung lalaki eh iiwanan daw yung gamit sa baggage counter. Yung Baggage Counter ay nasa putang inang first floor. Kaya bumaba ulit ako sa first floor upang ilagay ang bag ko sa baggage counter at umakyat ulit sa third floor. Pagpasok ko, nagulat ako dahil sobrang dami ng tao. Akalain mo, ang Pilipino pala ay pumupuntang Library. Hinanap ko ang periodical section ngunit hindi ko ito nakita kaagad kaya pumasok ako sa Specials section upang magtanong. Noong nagtanong ako, napakasaya noong sinabi noong babae sa akin. “Doon sa unang kwarto, serials section”. Nagtaka ako dahil yung unang kwartong nadaanan ko eh office, tapos reading section tapos yung special section na mismo. Pero lumabas na ako dahil mukhang masungit yung babae. Ayoko sana munang umalis dahil gusto kong hawakan yung orihinal na kopya nung Noli Me Tangere pero dahil mukhang “Librarian -from-hell” yung babae, dali-dali na lang ako umalis at hinanap ang sinasabi niyang unang kwarto. Pumasok ako sa Reading section at nakita ang sign na nagtuturo sa serial section. Kumanan ako papunta doon at dumaan pa ako sa napakaliit na hallway at umakyat at voila, ang serials section ng National Library na nasa pinakatagong pwestong maaring ilagay ng mga tao. At naghanap na ako ng dyaryo mula 1991. Ang national library ay pwedeng bigyan ng award na nagsasabing “Place that gives you the most chills award” dahil mukhang hindi lang ikaw ang naglalakad at naghahanap ng kung ano pa man sa mga nagtatayuang bookcases. Nasa may dulo-dulo pa ng serials section yung dyaryong hinahanap ko kaya parang hindi lang talaga ako nag-iisa sa gitna ng bookcases na naglalaman ng nagsisilumaang dyaryo. Pagkatapos ko mahanap ang koleksyon ng dyaryo ng Manila Bulletin noong Hunyo 1991, naghanap ako ng mauupuan. Sa kisanamaang palad eh pinalayas ako nung isang babae sa pinagpwestuhan ko dahil may nakaupo daw kaya napwersahan ako na sa sahig sa gitna ng mga bookcases na naglalaman ng nagsisilumaang dyaryo magbasa ng dyaryo. Ang tagal kong hindi lumalabas dahil sa sahig na nga lang ako nagbabasa at hindi ko namalayan na 5:00 na pala. Wala nang tao kundi ang mga napaka ingay na librarians at ako na tila nagtatago sa mga bookcases. Dali-dali akong umalis dahil parang biglang nag-iba ang tema ng National Library. Nagsimula na rin magsi alisan ang mga Librarians. Hindi pa nila alam na nandoon ako at hindi ko pa narealize na ako na lang pala ang tao. Pagbaba ko, nawal bigla lahat ng Tao. Ang mga upuan at mesa na punong-puno kanina ng mga tao eh wala nang laman ngayon. Nagmadali ako pababa ng hagdanan, kinuha ang gamit ko at umalis. Malay ko ba ng alas kwatro pa lang eh sarado na ang Pambansang Aklatan ng Pilipinas? Mas matagal pang bukas ang Silid aklatan ng eskwelahan namin. Tama ba naman yun?
At diyan natatapos ang aking pakikipagsapalaran sa Pambansang Aklatan.
Tinahak ko na ang aking paglalakbay pauwi pagkatapos ng aking pagmamadali makalabas ng nationa library. Sa aking paglalakad mula sa Pambansang Aklatan, nakasalubong ko ang isang foreigner at ang kanyang Pilipinang kasama na naghahanap ng Taxi. Hinahabol at pinagmumura sila (partikular na minumura ang foreigner) ng isang lalaking nag ooperate ng kalesa. Kulang daw ang bayad sa kanya na 200 nung foreigner. Ewan, pero sa tingin ko pineperahan lang nila yung foreigner.